-- Advertisements --

Sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na wala pang natutukoy na ghost o non-existent infrastructure project sa Taguig City batay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya.

Sa Senate Hearing para sa 2027 DPWH budget, tinanong ni Senator Alan Peter Cayetano si Dizon kung may natukoy nang ghost project sa Taguig, kung saan malinaw na sinagot ng kalihim na wala.

Ayon naman kay DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III, nasa 107 proyekto ang nakalista ng ahensya sa Taguig at lahat umano ay may accomplishment.

Sinabi ni Cayetano na bukas siya sa pagsusuri ng media at iba pang imbestigador sa mga proyekto, lalo na matapos lumutang ang mga isyu kaugnay ng flood control projects.

Samantala, patuloy na iniimbestigahan ni Senator Ping Lacson ang mga proyekto sa Taguig matapos ang palitan nila ng alegasyon ni Cayetano.

Ayon kay Lacson, may mga bagong isyung lumitaw sa kanyang imbestigasyon matapos makipagpulong sa mga opisyal ng Philippine Reclamation Authority.