-- Advertisements --

Igagalang umano ng prosecution team ang anumang magiging desisyon ng Senate impeachment court sa voting threshold na gagamitin sa paghatol kay Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial ayon Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno  

Ayon kay Diokno, hindi nakatuon ang prosecution sa bilang ng boto na kailangan para sa conviction kundi sa paglalahad ng matibay na ebidensiya upang suportahan ang kanilang kaso laban kay Duterte.

Nakatakdang isagawa sa Martes, Setyembre 23, ang oral arguments ng prosecution at defense kaugnay ng 16-vote threshold na kasalukuyang itinakda para sa conviction ni Duterte.

Uminit ang usapin sa voting threshold matapos humingi ang Senate impeachment court ng opinyon mula sa mga dating mahistrado ng Supreme Court kung dapat bang isama sa pagbibilang ng boto ang mga senador na nakakulong, nagtatago o nasa ibang bansa.

Tatlo sa apat na legal experts na inimbitahan bilang amici curiae ang nagpahayag na maaaring baguhin ng impeachment court ang kasalukuyang 16-vote threshold para sa conviction, batay sa kapangyarihan ng Senado na duminig at magpasya sa mga impeachment case.

Sa kabilang panig, may ibang pananaw na nagsasabing dapat manatiling nakabatay sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado ang two-thirds requirement na itinakda ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga kasalukuyang hindi aktibong nakikilahok sa paglilitis sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, na parehong nakakulong kaugnay ng magkahiwalay na kasong plunder.

Hini naman matukoy ang kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa habang may arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court.

Samantala, naka-leave si Sen. Loren Legarda at kasalukuyang nasa abroad.

Ang magiging desisyon ng impeachment court sa voting threshold ang tutukoy sa bilang ng boto na kakailanganin sa magiging paghatol kay Duterte.