Matagumpay ang kauna-unahang tunnel boring breakthrough sa Quezon Avenue station para sa isinasagawang Metro Manila subway sa bansa.
Sa naging pagbisita ni President Ferdinand Marcos Jr. kahapon, Setyembre 23, sa site ng Quezon Avenue station, nakumpleto na ang paghuhukay mula sa Southbound portion ng North Avenue station, na may tinatayang lalim na 1.1 kilometers at 34 meters below ground.
Tinatawag na breakthrough ang matagumpay na pagbasag sa final wall kapag nakumpleto na ang tunnel excavation process o ang proseso ng paghuhukay sa ilalim ng lupa.
Nagpapatuloy naman ang tunnel boring operations mula sa Quezon Avenue station patungong East Avenue station kung saan may 1.5 kilometers itong layo sa isa’t-isa.
Ayon kay Department of Transportation acting secretary Giovanni Lopez, na mapapabilisang biyahe mula Valenzuela City patungong NAIA kapag full operational na ang underground railway.
Inaasahan namang halos 500,000 na pasahero ang makikinabang sa Metro Manila Subway kapag ito ay naging bukas na sa publiko.
Layunin ng gobyerno na makumpleto ang konstruksyon ng underground railway system na may 17 na istasyon sa huling kwarter ng 2031.













