Pinag-aaralan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na gawing public-private partnership (PPP) ang matagal nang naantala na Common Station project sa EDSA, Quezon City, upang mapabilis ang konstruksiyon nito.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, nais nilang simulan ang bidding ngayong taon at target na matapos ang proyekto pagsapit ng 2027, kasabay ng pagsisimula ng operasyon ng Metro Manila Subway at MRT-7.
Nilinaw pa ni Dizon na mas pinipili nila ang PPP upang maiwasan ang mga problema at pagkaantala na naranasan sa dating kontrata sa BF Corp. at Foresight Development na kinansela noong Mayo dahil sa matagal na pagkaantala.
Una nang ibinida ng ahensya na ang Common Station ay magsisilbing malaking transit hub na mag-uugnay sa MRT-3, LRT-1, MRT-7, at Metro Manila Subway, na mayroong centralized concourse at intermodal terminal para sa mga bus, jeep, at taxi.