Patuloy na tinutuligsa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) – Cebu ang jeepney modernization program na umano’y nagdulot ng malaking pasanin sa mga tsuper at operator.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Greg Perez, Presidente ng PISTON-Cebu, sinabi nito na hindi lamang interes ng mga tsuper ang kanilang ipinaglalaban kundi pati na rin ang kapakanan ng mas nakararaming mamamayan.
Iginiit pa ni Perez na ang jeepney phaseout ay nagbunsod ng pagtaas ng utang ng mga kooperatiba at operator na napilitang sumabay sa mahal na modernisasyon.
Aniya, lumala rin ang kakulangan ng mga pampublikong sasakyan dahil sa implementasyon ng programa, na nagdulot ng dagdag na hirap sa mga commuters.
Dahil dito, nananawagan ang grupo na tuluyang ibasura ang phase out at ihinto ang mga polisiyang hindi nakapagbibigay ng tunay na benepisyo sa transport sector.
Hinikayat din ng grupo ang administrasyong Marcos na itigil ang mga umano’y palpak na programa sa mass transport, at magplano ng abot-kayang sistema para sa mamamayan.
















