-- Advertisements --

Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang apat (4) na araw na workweek para sa non-teaching personnel na magtrabaho onsite kada linggo simula ngayong Lunes, Marso 9, 2026.

Ayon sa inilabas na memorandum ni Education Secretary Sonny Angara noong Marso 8, itatalaga ang Biyernes bilang karaniwang work-from-home day para sa lahat ng sakop ng patakaran.

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng energy conservation measures sa lahat ng tanggapan ng gobyerno dahil sa tumataas na presyo ng langis kaugnay ng sigalot sa Middle East.

Ang patakaran ay sumasaklaw sa non-teaching at related-teaching personnel, pati na ang mga contract-of-service at job order employees, habang ang mga guro ay magpapatuloy naman sa kanilang regular na klase at iba pang aktibidad.

Kasabay ng apat na araw na onsite arrangement, iniutos din ng DepEd ang mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya upang mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina ng 10% hanggang 20%.

Kabilang dito ang pagtatakda ng aircon sa 24°C, paggamit ng sleep mode sa kagamitan, pagtanggal ng ilaw at electronics na hindi kailangan sa tanggapan tuwing lunch break at matapos ang opisina, at paggamit ng hagdan sa halip na elevator.

Iniutos din ng DepEd na ang mga inter-agency meetings, konsultasyon, at conference ay gawin sa virtual platform maliban kung kinakailangan, at ang mga official travel ay limitado lamang sa mahahalaga o kritikal na tungkulin kung hindi kaya sa online meeting.