Dumulog si Senator Jose Jinggoy Ejercito Estrada sa Sandiganbayan 5th Division nitong Martes upang kumuha ng travel clearance para sa kaniyang nakatakdang pagbisita sa Hong Kong, Macau, at Japan mula Marso 31 hanggang Abril 5.
Obligado ang mambabatas na pormal na mag-abiso at humingi ng permiso sa anti-graft court sa tuwing lalabas ng bansa dahil nahaharap pa rin ito sa 11 nakabinbing kaso ng graft.
Ang mga natitirang kaso ay konektado sa isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), kung saan nauna nang naabsuwelto si Estrada sa kasong plunder. Binaligtad din ng korte noong Agosto ang kaniyang conviction para sa direct and indirect bribery.
Lumalapit ang senador sa korte para makabiyahe sa gitna ng panibagong kontrobersya.
Inakusahan si Estrada ni dating Public Works assistant district engineer Brice Hernandez na nanghingi umano ng 30 porsyentong cut mula sa P355 milyong alokasyon para sa mga flood control projects sa unang distrito ng Bulacan.
Mariing itinanggi ni Estrada ang alegasyon, at iginiit na ang kaniyang past kaugnay sa PDAF ang dahilan kaya siya nagiging easy target ng mga akusasyon ng korapsyon.










