-- Advertisements --

Nagpahayag ng seryosong pagkabahala ang Lawyers/Commuters group hinggil sa pagpapalawak ng Passenger Personal Accident Insurance (PPAI) Program mula sa dalawang accredited management companies patungo sa tatlo.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nito na ang pagpapasok ng karagdagang kumpanya ay isinagawa nang walang sapat na konsultasyon sa publiko at walang malinaw na pagdedeklara ng mga miyembro ng consortium at mga kasaping insurer.

Binigyang-diin ni Atty. Inton na ang kasalukuyang sistema ay matagal nang nagbibigay ng maayos at matatag na proteksyon sa mga pasahero, at walang inilalabas na opisyal na pagpapasya na nagsasabing ito ay naging hindi epektibo o kulang sa serbisyo.

Gayunman, ipinatupad umano ang pagdaragdag ng isa pang management company nang walang malinaw na public disclosure at konsultasyon sa mga PUV operator, driver, at commuters.

Nanawagan naman ang abogado sa Insurance Commission at Land Transportation Franchising Board (LTFRB) na ipaliwanag ang legal na batayan, accreditation process, at dahilan ng pagpapalawak ng programa.

Hiniling din ng grupo na magkaroon ng malinaw at transparent na pagsusuri bago tuluyang ipatupad ang bagong sistema ng tatlong kumpanya.