Nanindigan si House Committee on Justice Vice Chairman at Baguio City Rep. Mauricio Domogan na walang sapat na ebidensiya upang patunayan na gumagamit ng iligal na droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang naturang isyu ay isa sa mga batayan na ginamit sa unang impeachment complaint na inihain laban sa pangulo at kalauna’y dinismiss ng naturang komite.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Domogan, nanindigan siyang walang sapat na ebidensiya na magpapatunay na gumagamit ng iligal na droga ang pangulo, o inaabuso niya ang paggamit ng anumang illegal substance.
Maging ang paggamit sa mga testimoniya ni presidential sister, Sen. Imee Marcos ukol sa umano’y paggamit ng kaniyang nakababatang kapatid ng iligal na droga, ay wala ring saysay dahil hindi ito dumaan sa validation, at wala ring sworn statement mula sa Senador.
Binigyang-diin ng mambabatas na pawang alegasyon lamang ang naturang isyu, at walang anumang dokumento tulad ng medical report, na makakapagpatunay dito, bagay na mahirap aniyang patunayan sa regular na korte o sa impeachment court.
Kung babalikan noong kalagitnaan ng Nobiyembre, dumalo si Sen. Marcos sa rally na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo (INC) at dito niya sinabing gumagamit ang kaniyang kapatid ng iligal na droga.
Inakusahan din niya ang kaniyang kapatid na matagal na niya itong ginagawa, kahit bago pa man siya naging pangulo. Subalit, nauna nang itinanggi ng Malacañang Palace ang naturang mga alegasyon.
















