-- Advertisements --

‘Wala nang lisensya ang nag-viral na driver na nanggulpi sa kapwa motorista sa Cainta, Rizal, kung saan kinilala ang lalaki na si Mike.

Pinatawan kasi siya ng habambuhay na pagbawi ng lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) na kanyang ikinagulat gayundin ang pagiging emosyonal.

Samantala, ang nakaaway niyang driver ay sinuspinde naman ng 90 araw ang lisensiya.

Ani ni Mike sa isang panayam, “Habambuhay, ma’am, ang sabi nila, magpa-ano raw sa abogado. Abogado, wala akong pera, ma’am. Mahirap lang kami.”

Magugunitang nag-viral ang insidente matapos makunan sa video si Mike na sumusuntok sa kapwa driver, na naglabas naman ng baseball bat.

Ayon kay Mike, nagsimula ang alitan dahil sa ginitgit umano ang kanyang sasakyan sa kalsada, na nauwi sa pagtatalo at pagkakaroon ng marahas na aksyon.

“Habang papaandar ako, ma’am, nakita ko ‘yung baseball bat ‘yung binunot niya. Sabi ko, sa isip-isip ko, buti baseball bat lang. Ngayon, akala ko hindi papalo. Pumunta siya ng gitna, ma’am. Inabangan niya ‘yung pagdaan ko. Pinalo niya ng ganiyan ‘yung kotse ko, ma’am,” paliwanag ni Mike.

Dahil dito, binaba niya ang kapwa driver at sinuntok ito. Pagkatapos ng insidente, humingi siya ng paumanhin: “Sir, pasensiya ka na talaga, sir. ‘Di ko naman talaga gusto mangyari sa iyo… Talagang na-trigger na lang din ako.”

Ngunit hindi kumbinsido ang LTO sa kanyang paliwanag. Ayon kay Assistant Secretary Markus Lacanilao, malinaw sa video na hinabol ni Mike ang kapwa driver at sinaktan ito.

Nagpadala naman ng medical certificate sa LTO ang nasaktan na driver, ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon para sa ibang nakitang violations.

Tulad nang mga alegasyon na lasing ito habang nag-mamaneho, hindi rehistrado ang kotse, at peke ang plaka na nakatilt para hindi makunan ng NCAP cameras.