Inurong na ng pamilya ng napatay na policewoman na si Diane Marie Mollenido ang reklamong robbery with homicide at theft laban sa kanyang hiwalay na asawa na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Batay sa minutes ng inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office, si Daisie Gabres, kapatid ng biktima, ang naghain ng mosyon upang bawiin ang reklamo laban kay Mollenido.
Kinumpirma ni Quezon City Police District Director Col. Randy Glenn Silvio ang pag-atras ng reklamo, na naging dahilan upang palayain si Mollenido ng inquest prosecutor.
Gayunman, nilinaw ni Silvio na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.
Dagdag pa niya, sasailalim sa cyber warrant ang gudget ni Mollenido upang masuri ang kanyang mga aktibidad.
Ikinagalak naman ito ng abogado ni Mollenido na si Atty. Cristobal Rimando na kung saan sinabi nito na pinatutunayan ng pag-atras ang kawalan ng ebidensiyang mag-uugnay sa kanyang kliyente sa krimen.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na iniimbestigahan parin ang pulisya sa posibleng pagkakasangkot nito, kabilang ang umano’y pag-uutos sa agarang cremation ng bangkay ng kanyang asawa habang suot pa ang mga damit nito, at ang sinasabing kawalan ng emosyon o pagsisisi matapos ang insidente.
Sa kabila ng pag-atras ng reklamo, nananatili si Mollenido sa restrictive custody ng National Capital Region Police Office (NCRPO) habang hinaharap niya ang hiwalay na reklamong obstruction of justice at isang administrative investigation.
Sinabi ni Atty. Rimando na wala pa silang natatanggap na kopya ng reklamong obstruction of justice, at iginiit na ibinigay sa kanyang kliyente ang labi ng asawa dalawang araw matapos itong matagpuan noong Enero 24.
Tinuligsa rin ng abogado ang pagbibigay-kahulugan tungkol sa naging kilos ng kanyang kliyente bilang indikasyon ng pagkakasala.
Aniya, ”Ang emosyon ay hindi katumbas ng guilt”.
















