-- Advertisements --

Naglabas ng paalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngayong Pebrero sa ilalim ng kampanyang #BSPSecuriTips laban sa mga “love language” na may kasamang hingi ng pera o tulong pinansyal.

Ayon sa BSP, dapat magdoble-ingat ang publiko sa mga online na pakikipag-ugnayan lalo na kung may usapang pera, dahil ito ay madalas na ginagamit ng mga scammer upang makapanloko.

Ngayong buwan ng mga puso, tumataas ang kaso ng tinatawag na “romance scams” kung saan ginagamit ang emosyon upang makakuha ng pera mula sa biktima.

Bilang tugon, pinaalalahanan ng BSP ang publiko na gawin ang #CPR o Check, Protect, Report upang masiguro ang ligtas na pagbabangko.

Kamakalawa, inilunsad ng BSP ang Financial Services Cyber Resilience Plan (FSCRP) na layong palakasin ang depensa ng mga bangko laban sa cyber threats.

Dagdag pa rito, ipatutupad simula Hunyo 25, 2026 ang phishing-resistant authentication gamit ang FIDO Suite sa lahat ng BSP-supervised banks, alinsunod sa Anti-Financial Account Scamming Act.

Sa kabuuan, pinapaalalahanan ng BSP ang publiko na huwag basta-basta magpadala ng pera sa mga online na nakilala, at tiyaking ligtas ang kanilang mga account sa pamamagitan ng mas matibay na authentication at maagap na pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad.