-- Advertisements --

Umakyat sa US$104.8 bilyon ang Gross International Reserves (GIR) ng Pilipinas nitong katapusan ng Agosto 2026, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa BSP, nananatiling sapat at matatag ang lebel ng pondo upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa pag-aangkat ng kalakal, pagbabayad ng panlabas na utang, at bilang proteksyon laban sa anumang pagsubok sa pandaigdigang ekonomiya.

Pangunahing nagpataas sa pondo ang pagtaas ng halaga ng ginto sa pandaigdigang merkado na humantong sa upward valuation sa gold holdings ng BSP, pati na rin ang kitang nakuha ng bangko sentral mula sa mga pamumuhunan nito sa ibang bansa.

Bahagya namang nabawasan ang pondo dahil sa pagkuha ng pambansang pamahalaan ng foreign currency deposits sa BSP upang ipambayad sa mga obligasyon nito sa panlabas na utang.

Ang kasalukuyang GIR level ay sapat upang suportahan ang hanggang 6.8 buwang halaga ng pag-aangkat ng mga produkto at serbisyo ng bansa.

Bukod dito, kaya rin nitong tustusan nang humigit-kumulang 3.7 beses ang mga panandaliang panlabas na utang ng Pilipinas batay sa residual maturity nito.