-- Advertisements --

Tiniyak ng Malakanyang na handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na harapin ang posibleng reklamong impeachment na isasampa laban sa kaniya ng ilang grupo base sa ebidensiya.

Pero ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na maaga pa para pag usapan ito lalo at wala pa nga aniyang naisasampang reklamo laban sa pangulo at hindi pa batid kung ano ang lalamanin nito. 

Gayunman sinabi ni Castro na susuriin aniya ng Presidente ang nasabing complaint.

Binigyang-diin ni Castro na wala silang nakikitang naging pagkakamali ng Pangulo kung ang iginigiit ay ang breach of trust dahil sa pagpirma umano niya sa pambansang budget sa mga nakalipas na taon. 

Ipinaalala ni Castro na kung tutuusin, si Pangulong Marcos mismo ang nag utos na imbestigahan ang flood control projects na nababahiran ng anomalya at katiwalian. 

Pinatitiyak din aniya ng Pangulo na hindi magagamit sa maling pamamaraan ang 2026 pambansang budget kundi mapakikinabangan nang tama ng mga pilipino. 

Nagpatusada pa si Castro,  na walang Mary Grace Piattos ang Pangulo. 

Sinasabing mga taga suporta ng pamilya Duterte ang umanoy nasa likod ng planong paghahain ng reklamong impeachment laban kay Pangulong Marcos.

Payo ni Castro, mas maiging tulungan muna ng mga taga suporta ng pamilya duterte ang idolo nilang si Vice President Sara Duterte na maipaliwanag sa taongbayan ang maling paggasta sa  confidential at intelligence funds nito.