Isa umanong lame excuse ang pagtawag ni Atty. Nicholas Kaufman na hyperbolic lamang ang mga kontrobersyal na talumpati noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Southern Illinois University Graduate Program Director Dr. Raymund Narag, sinabi nitong isa lamang palusot ang pagtawag ni Kaufman na hyperbolic o exaggeration sa mga public speech noon ni Duterte.
Wala aniyang matibay na naipakita si Kaufman laban sa mga ebidensiyang iniharap ng International Criminal Court (ICC) prosecution panel, lalo na ang paggamit ng mga talumpati ng dating pangulo.
Kaya’t ipinapalusot na lamang ng abogado bilang exaggerations ang mga kontrobersyal na pahayag, gayong nagsisilbi ang mga ito bilang extra-judicial confessions.
Binalikan ni Dr. Narag kung paano tinanggap ng publiko ang mga naturang pahayag, lalo na noong nangangampanya pa lamang si Duterte sa pagkapangulo.
Aniya, ginamit ng mga pulis ang mga pronouncements ng pangulo bilang gabay sa kanilang trabaho at sa pagpapatupad ng kampanya kontra ilegal na droga, kahit pa ito ay taliwas sa moralidad at sa batas.
Ngayon ay nasa puntong sinisingil na si Duterte dahil sa rekord ng kanyang mga talumpati, ngunit pinipilit ng kanyang kampo na sabihing isa lamang exaggeration ang lahat ng ito, gayong nagresulta na sa malawakang patayan.
Nang matanong ang US-based criminal justice expert kung bakit maraming pulis pa rin ang tumupad sa madugong drug war, sinabi niyang tiyak na nagkaroon din sila ng alinlangan noong ipinatutupad ang kampanya.
Marami aniya ang tuluyan ding umalis sa serbisyo dahil hindi masikmura ang mga nangyaring patayan, batay na rin sa rekord ng pamahalaan, habang ang iba ay kusang-loob na ring nagbahagi ng kanilang karanasan sa nakalipas na administrasyon.
















