COPENHAGEN – Kinilala ng World Health Organization (WHO) ang Denmark bilang unang bansa sa European Union na nakapagkamit ng elimination of mother-to-child transmission (EMTCT) ng HIV at syphilis.
Ang sertipikasyon ay patunay ng matagal nang dedikasyon ng bansa upang matiyak na ang bawat sanggol ay isinisilang nang malaya sa naturang mga impeksiyon.
Ayon kay WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, “Ang elimination ng mother-to-child transmission ng HIV at syphilis ay isang malaking tagumpay sa pampublikong kalusugan para sa Denmark. Ipinapakita nito na sa pamamagitan ng matibay na political commitment at tuloy-tuloy na pamumuhunan sa primary care at maternal health services, maaaring maprotektahan ang bawat buntis at bagong silang na sanggol.”
Batay sa pagsusuri ng WHO Regional Validation Committee noong Hunyo 2025 at Global Validation Advisory Committee noong Agosto 2025, nakamit ng Denmark ang lahat ng target mula 2021 hanggang 2024, kabilang ang mababang transmission rates at mataas na saklaw ng prenatal testing at treatment para sa mga buntis.
Dagdag pa ni Dr. Hans Henri P. Kluge, WHO Regional Director for Europe, ang tagumpay ng Denmark ay bunga ng matibay na maternal health system, maaasahang data systems, at respeto sa karapatan ng kababaihan. Ang elimination ay nangangahulugang natetest at natutugunan ang pangangailangan ng hindi bababa sa 95 sa bawat 100 buntis, at nananatiling mababa sa 50 kada 100,000 births ang bagong infant infections taon-taon.
Ipinahayag naman ni Sophie Løhde, Minister for the Interior and Health ng Denmark, na ang pagkilala ng WHO ay bunga ng dekada ng pagsisikap ng mga health-care professionals, midwives, at public health teams. “Ang universal health system ng Denmark, na nakabatay sa pantay na access para sa lahat, ang naging pundasyon ng tagumpay na ito. Bilang unang bansa sa EU na nakamit ang milestone na ito, karangalan at responsibilidad ang aming nararamdaman. Nais naming maging inspirasyon para sa ibang bansa at inaasahan naming makumpleto ang triple elimination sa pamamagitan ng hepatitis B,” aniya.
Sa kasalukuyan, nasa direksyon na rin ang Denmark tungo sa validation ng elimination ng hepatitis B virus, na magbibigay daan sa tinatawag na full triple elimination.
Kasama na ngayon ng Denmark ang 22 iba pang bansa at teritoryo na na-validate ng WHO para sa elimination ng mother-to-child transmission ng HIV, syphilis, o hepatitis B, kabilang ang Cuba, Brazil, Botswana, Malaysia, Maldives, Sri Lanka, at Thailand.
















