-- Advertisements --

Umabot na sa 13 kaso ng Andes hantavirus ang naitala, kabilang ang tatlong nasawi (case fatality ratio 23%). Sa kabuuan, 11 kaso ang kumpirmado sa laboratoryo at dalawa ang tinuturing na probable cases.

Ito na ang ika-apat na ulat hinggil sa outbreak na may kaugnayan sa cruise ship travel, matapos ipaalam sa World Health Organization (WHO) noong Mayo 2 ang mga kaso ng malubhang respiratory illness sa barkong M/V Hondius.

Mula nang huling ulat noong Mayo 13, tatlong bagong kumpirmadong kaso ang naiulat mula sa Canada, Netherlands, at Spain.

Ang dating inconclusive case mula sa Estados Unidos ay napatunayang negatibo at tinanggal na sa talaan. Lahat ng kaso ay mula sa mga pasahero o crew ng naturang barko.

Dahil sa mahabang incubation period na umaabot ng anim na linggo, inaasahang may mga bagong kaso pang lalabas hanggang matapos ang naturang panahon.

Sa pamamagitan ng International Health Regulations (2005), nakipag-ugnayan na ang mga National IHR Focal Points upang suportahan ang international contact tracing at monitoring efforts.

Ayon sa WHO, mababa ang panganib ng outbreak sa pandaigdigang populasyon, ngunit patuloy nilang babantayan ang epidemiological situation at magbibigay ng update kung kinakailangan.