-- Advertisements --

Nag-anunsyo ang World Health Organization (WHO) ng makasaysayang hakbang laban sa Malaria matapos nitong aprubahan ang unang gamot na partikular para sa mga sanggol na may bigat na dalawa hanggang limang kilo.

Ang bagong formulation na artemether-lumefantrine ay nakapasa sa internasyonal na pamantayan ng kalidad, kaligtasan, at bisa, at inaasahang magpapalawak ng access sa ligtas na paggamot para sa mga bagong silang na sanggol sa Africa.

Bago ito, ang mga sanggol ay ginagamot gamit ang gamot para sa mas matatandang bata, na nagdudulot ng panganib ng maling dosage at toxicity.

Kasabay nito, nag-prequalify din ang WHO ng tatlong bagong rapid diagnostic tests na kayang tuklasin ang malaria parasite kahit nawawala ang HRP2 gene, na dati’y nagdudulot ng maling negatibong resulta.

Ayon sa WHO, ang mga bagong pagsusuri ay makatutulong upang maiwasan ang pagkaantala ng gamutan at pagkamatay sa mga bansang mataas ang kaso ng malaria.

Batay sa World Malaria Report 2025, tinatayang may 282 milyong kaso at 610,000 pagkamatay noong 2024, mas mataas kaysa nakaraang taon.

Sa kabila ng hamon ng resistance at kakulangan sa pondo, mahigit 2.3 bilyong impeksyon na ang naiwasan at 14 milyong buhay ang nasagip mula noong 2000.

Giit ng WHO, ang mga bagong gamot, bakuna, at diagnostic tests ay patunay na posible ang wakas ng malaria kung may tuloy-tuloy na suporta at pondo.