-- Advertisements --

Naglabas ng ikatlong global situation report ang World Health Organization (WHO) kaugnay ng tumitinding kaguluhan sa Middle East.

Ayon sa ulat, bagama’t may dalawang linggong ceasefire sa Iran, nananatiling kritikal ang kalagayan sa Lebanon at iba pang bansa sa rehiyon. Dumami ang mga pag-atake sa mga ospital, ambulansya, at health workers na nagdudulot ng malaking pinsala sa health system at paglabag sa international humanitarian law.

Naitala rin ng WHO ang apat na pag-atake sa mga pasilidad ng desalination sa Iran, Bahrain, at Kuwait.

Dahil umaasa ang ilang bansa sa Middle East ng 70–100% ng kanilang inuming tubig mula sa desalination, nagdudulot ito ng panganib ng water shortages, hospital shutdowns, at outbreak ng waterborne diseases.

Bagama’t nananatiling matatag ang global supply ng medical commodities, nahihirapan ang paghatid ng humanitarian health supplies dahil sa airspace restrictions at tumataas na transportation costs.

Kabilang sa pangunahing banta sa kalusugan ang trauma at injuries, pagkaantala ng non-communicable disease care, limitadong access sa health services para sa mga displaced persons, panganib ng pagkalat ng sakit sa mga shelters, at exposure sa radiological, nuclear, at industrial chemical risks.

Dagdag pa rito, lumalala ang pangangailangan sa mental health at psychosocial support dahil sa karahasan, displacement, at psychological distress.

Bilang tugon, aktibong minamapa ng WHO at mga katuwang nito ang health risks sa rehiyon, kabilang ang epekto ng population displacement at direktang pag-atake sa critical infrastructure.

Kabilang sa mga hakbang ang pagbibigay ng teknikal na suporta sa ligtas na pamamahala ng tubig, sanitation, at hygiene, pagtutok sa backup solutions para sa health facilities sakaling mawalan ng enerhiya, pagpapalakas ng immunization coverage, at paghahanda laban sa disease outbreaks sa pamamagitan ng pre-positioning ng medical supplies.

Patuloy ding isinusulong ng WHO ang contingency planning para matiyak ang continuity ng essential health services, pagpapalakas ng surveillance at early warning systems, at pagbibigay ng gabay sa trauma care, mental health, at psychosocial support.

Binibigyang-diin ng organisasyon ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang matugunan ang kanilang pangangailangan habang patuloy na lumalala ang krisis.