-- Advertisements --

Naglabas ng ulat ang World Health Organization (WHO) hinggil sa lumalalang sitwasyon sa Middle East at ilang bahagi ng Europa matapos ang patuloy na tensyon at labanan sa rehiyon.

Ayon sa WHO, pangunahing banta sa kalusugan ang trauma, pinsala, at kapansanan; kawalan ng tuloy-tuloy na access sa serbisyong medikal para sa mga lumikas; at posibilidad ng pagkalat ng sakit sa mga evacuation shelters.

Binanggit din ng WHO ang panganib mula sa mga pag-atake sa desalination plants na nagbabawas ng suplay ng malinis na tubig, pati na ang posibilidad ng chemical, biological, radiological o nuclear incident na may mabigat na epekto sa kalusugan.

Kasama rin sa mga banta ang heat-related illnesses, mental health distress, at respiratory diseases.

Bukod sa agarang epekto, nagdudulot din ng pangamba ang mga pag-atake sa oil storage facilities at refineries sa Iran, Bahrain, at Saudi Arabia na maaaring magpalala ng polusyon sa hangin at magdulot ng kakulangan sa suplay ng enerhiya. Ang mga pag-atake sa health facilities ay nagresulta na sa pagkamatay ng ilang health workers, na nagbawas ng access sa serbisyong medikal.

Dagdag pa rito, ang pagkagambala sa supply chains, pagtaas ng transportasyon, at pabagu-bagong presyo ng enerhiya ay nagdudulot ng limitadong access sa mahahalagang gamot at suplay.

Sa gitna ng krisis, tiniyak ng WHO na patuloy itong tumutugon sa mga kahilingan ng health authorities sa pamamagitan ng pagbibigay ng training, medical supplies, pagpapalawak ng disease surveillance systems, at pakikipag-ugnayan sa iba pang health partners.

Katuwang ang United Nations at iba pang organisasyon, nagsasagawa rin ang WHO ng alternatibong ruta at supply hubs upang matiyak na makarating ang tulong medikal sa mga lugar na may pinakamalaking pangangailangan.

Ang ulat na ito ay nagpapakita ng lawak ng epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan, hindi lamang sa seguridad kundi lalo na sa kalusugan ng mga mamamayan sa rehiyon at sa buong mundo.