-- Advertisements --

Nakumpleto na ng International Criminal Court (ICC) ang apat na araw ng confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naturang pagdinig, kapwa nagbigay ng kanilang huling argumento ang panig ng depensa at prosekusyon na kapansin-pansing magkaiba ang pananaw.

Ayon kay Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, magsasagawa ng deliberasyon ang hukuman at maglalabas ng desisyon sa loob ng 60 araw kung itutuloy ang kaso sa isang ganap na paglilitis.

Tatlong bilang ng crimes against humanity ang isinampa laban kay Duterte, kabilang ang murder at attempted murder kaugnay ng libo-libong pagpatay mula 2013 hanggang 2016 at sa panahon ng “war on drugs” mula Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2017.

Iginiit ng prosekusyon na ginamit ni Duterte ang tinaguriang “Davao model of killing” bilang bahagi ng kanyang kampanya sa pagkapangulo at ipinatupad ito sa buong bansa sa pamamagitan ng opisyal na Command Memorandum Circular.

Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng mga kinatawan ng mga biktima na ang kampanya kontra droga ay nagdulot ng sistematikong pagpatay at matinding takot sa mga komunidad.

Samantala, ipinagpatuloy ng lead counsel ng depensa na si Nicholas Kaufman ang kanyang argumento kaugnay ng Count 2 na tumutukoy sa tinaguriang high-value targets, at iginiit na walang sapat na ebidensya upang iugnay si Duterte sa mga pagpatay.

Ang depensa ay nanindigan na hindi direktang maipapakita ang pananagutan ng dating pangulo sa mga insidente.

Ang confirmation of charges hearing ay hindi pa kagaya ng paglilitis, kundi pagsusuri kung may matibay na batayan upang dalhin ang kaso sa full trial.

Kung makumpirma ang mga paratang, magsisimula ang ganap na paglilitis upang pagdesisyunan ang pananagutan ni Duterte.