-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Dagdag suliranin para sa mga residente sa mga apektadong lugar ang muling pagbuga ng makapal na abo ng Bulkang Kanlaon nitong Biyernes ng umaga, Pebrero 27, 2026.

Ang nasabing plume ay nagpapakita na nagpapatuloy ang aktibidad ng bulkan matapos ang naunang katamtamang pagsabog noong Huwebes ng gabi. Patuloy na binabantayan ng PHIVOLCS ang kalagayan ng bulkan upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad na nasa paligid nito.

Pinapayuhan din ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga abiso na ipinalalabas ng lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno.

Nagpapatuloy ang mga awtoridad sa pagmamanman sa posibleng karagdagang aktibidad ng bulkan habang pinapaalalahanan ang mga residente na umiwas sa mga mapanganib na lugar sa loob ng Permanent Danger Zone.

Umabot naman ang abo sa La Castellana, La Carlota City, San Enrique, Pontevedra, Hinigaran, Isabela, Kabankalan City, San Carlos City, Himamaylan City, Binalbagan, at Cauayan, Negros Occidental.

Samantala, sa mga lugar ng Bago City at Moises Padilla ay naamoy ang asupre sa ilang barangay, at mayroon nang nagsilikas sa kani-kanilang mga tahanan, partikular sa La Carlota at La Castellana.

Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Jane V. Caña, isang guro mula sa Caliling Elementary School sa Cauayan, Negros Occidental, ibinahagi nito na ngayon lang sila nakaranas ng ganitong sitwasyon sa kanilang lugar.

Aniya, sa tingin nila ay humina ang amihan kaya’t nakarating sa kanila ang ashfall.