-- Advertisements --

Niyanig ng Magnitude 6.4 na lindol ang silangang bahagi ng Mindanao nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Tumama ang lindol dakong 11:02 AM sa layong 55 kilometro hilaga-silangan ng bayan ng Manay, Davao Oriental, na may lalim na 23 kilometro.

Naitala ang Intensity V sa Manay, Davao Oriental; Hinatuan, Surigao del Sur; at Talacogon, Agusan del Sur. Samantala, Intensity IV ang naramdaman sa Bislig City at Cagwait, Surigao del Sur, gayundin sa Tarragona at Cateel, Davao Oriental.

Naramdaman din ang Intensity III sa Tandag City, Surigao del Sur; Boston at Baganga, Davao Oriental; at Claver, Surigao del Norte. Sa mas malalayong lugar, kabilang ang Davao City, General Santos City, Butuan City, Baybay at Palo sa Leyte, at ilang bayan sa Southern Leyte, nakapagtala ng Intensity II.

Sa instrumental readings, lumabas ang Intensity IV sa Malungon, Sarangani, habang Intensity III naman sa Kiamba, Sarangani; Digos City, Davao del Sur; at Davao City.

Sa kasalukuyan, wala pang ulat ng pinsala o nasawi, ngunit patuloy na mino-monitor ng PHIVOLCS at ng mga lokal na awtoridad ang posibleng epekto ng malakas na pagyanig. Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga safety protocols sa tuwing may lindol.