Nasundan ng 40 minutong pagbuga ng abo ang nangyaring explosive eruption ng bulkang Kanlaon, batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa February-20 report ng Phivolcs, malaking bulto ng abo ang ibinuga ng naturang bulkan, kasunod ng explosive eruption na tumagal ng dalawang minuto.
Kasabay nito ay pinapaalalahanan ng ahensiya ang publiko ukol sa banta ng ashfall na posibleng maranasan ng maraming lugar sa Negros Island Region.
Hanggang ngayong araw ay nasisilayan pa rin ang mataas na usok mula sa bunganga ng bulkan.
Tinatayang aabot sa 2,000 metro ang taas nito, na sinasabayan ng malakas na pagsingaw. Malaking bulto ng naturang usok ay napapadpad sa kanluran-timog-kanlurang direksyon.
Nananatili ring namamaga ang malaking bahagi ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, nananatili pa rin ang banta ng panibago nitong pagsabog.














