-- Advertisements --

Nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring makasama sa respiratory tract ang paglanghap ng abo mula sa Bulkang Mayon. Ayon kay Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas, matatalim na volcanic glass ang mga particle ng abo na maaaring makagasgas sa daanan ng hangin.

Pinayuhan ang mga residente na magsuot ng face mask o magtakip ng mukha gamit ang basang tela. Dapat ding panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana at patayin muna ang electric fan at air conditioner upang hindi kumalat ang abo sa loob ng bahay.

Mas nanganganib umano ang mga bata, matatanda, buntis at mga may sakit sa puso o baga. Naitala ang minimal ashfall sa dalawang barangay sa Guinobatan at isang barangay sa Camalig, Albay.

Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon matapos ang pagsabog nitong Biyernes na nagbuga ng abo hanggang 3,000 metro sa ibabaw ng bunganga. Wala pa umanong nakikitang indikasyon sa monitoring parameters ng PHIVOLCS na magpapahiwatig ng mas matinding pagsabog, ngunit hindi nito inaalis ang posibilidad nito.