Hinimok ng grupong August Twenty-One Movement (ATOM) ang publiko na yakapin ang legasiyang iniwan ng 1986 EDSA People Power Revolution kasabay ng paggunita ng ika-40 anibersaryo nito ngayong Miyerkules, Pebrero 25.
Ang grupong ATOM ay itinatag ng nakababatang kapatid ni yumaong Senador Benigno Aquino Jr. na si Butz Aquino, na kabilang sa unang nanawagan sa taumbayan na magtipun-tipon noon sa EDSA na nagresulta sa mapayapang People Power Revolution.
Sa isang pulong balitaan, inihalimbawa ni ATOM president Voltaire Bohol na marami sa mga kabataan ngayon ang nagpopost sa social media at sinasabing “mahirap mahalin ang Pilipinas” subalit nakakalimutan aniya na isa ang ating bansa sa tinitingala ng buong mundo noong taong 1986 dahil sa People Power.
Inihayag din ng ATOM president na para tuluyan nang makausad ang ating bansa, kailangan na mapanagot ang mga personalidad na nasa likod ng tinatawag na “conjugal dictatorship” sa panahon ng termino ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Aniya, hangga’t hindi nagkakaroon ng closure at tunay na pananagutan sa orihinal na pagkakasala mula sa diktadurya, maaaring kada 10 taon magkakaroon ng bagong diktador.












