-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacañang na nakikinig at nagmamatyag si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng pag-atras ng suporta ni Philippine Army Col. Audie Mongao sa Pangulo.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, kung may sinumang dapat managot, kinakailangang may malinaw na ebidensya at dadaan sa tamang proseso ng batas.

Binigyang-diin ni Castro na due process ang paiiralin at kung ano ang itinatakda ng batas, iyon ang ipatutupad ng administrasyon.

“Nakikinig at nagmamatyag ang Pangulo. Kung sinoman ang may dapat na may panagutan, ebidensya ang gamitin. Due process ang pairalin at ang kung ano ang sinasabi ng batas iyon ang ipapatupad,”mensahe ni USec. Claire Castro.

Kung maalala, sa kaniyang facebook post, hayagang inihayag ni Col. Mongao ang kaniyang pagbawi ng suporta sa kaniyang commander-in-chief.

Batay sa naging ulat ni Army Training Command director Maj. Gen. Michael Logico na nasa pangangalaga na ngayon ng Hukbo si Col. Mongao matapos boluntaryo itong isinuko ang sarili.

Sa ngayon relieved na sa kaniyang pwesto si Mongao bilang Army Training Support Group head.