-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Atty. Levi Baligod na masusi niyang sinuri ang affidavit ng mga retiradong sundalo na kaniyang sinamahan sa isang press conference kamakailan.

Kung babalikan ang naturang pulong balitaan, ini-aakusa ng mga nagpakilalang retiradong sundalo na nagkaroon ng suhulan mula sa kampo ni dating Rep. Zaldy Co patungo sa iba pang mga pulitiko at mga kinatawan ng International Criminal Court (ICC), para sa imbestigasyon sa drug war ng nakalipas na administrasyon.

Ayon kay Baligod, personal niyang nasuri ang affidavit ng mga dating sundalo, matapos ipakilala sa kaniya noong nakalipas na taon ang mga naturang sundalo na dati ring nagsilbi bilang security detailes ni Zaldy Co, tulad ni retired Marine Sgt. Orly Guteza na unang lumabas sa isang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.

Nang matanong ang abogado kung bakit inuna niyang ilabas sa publiko ang laman ng mga affidavit, sinabi niyang inoobserbahan niya ang executive at legislative department at tiyak aniyang mahirap umasa sa mga naturang institusyon.

Dahil dito, minarapat na lamang umano niyang ilabas na muna sa publiko ang nilalaman ng mga affidavit, lalo at hindi umano nila inaasahang magkakainterest ang lehislatura sa kanilang inilabas na impormasyon.

Sa kabila nito, buo pa rin ang loob ni Baligod na magsumite ng kopya sa Office of the Ombudsman.

Nanindigan din si Baligod na hindi siya naglabas ng anumang kopya ng affidavit, sa kabila ng paglabas ng umano’y kopya ng affidavit sa online.