-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Dalawang sunog ang naganap dito sa lungsod ng Butuan kahapon sa mismong araw ng Pasko kungsaan dakong alas-11 ng umaga limang kabahayan ang natupok ng apoy sa Purok 5, Brgy Baan Riverside na naka-apekto sa 12 mga pamilya o 49 na mga indibidwal.

Ayon kay acting City Fire Marshal, Fire Senior Inspector Ronald Vasquez, base sa inisyal nilang imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa bahay ni Rolly Sanchez hanggang sa kumalat na sa bahay ng kanila ring mga ka-anak.

Samantala dakong alas-7:45 naman kagabi ay umabot sa mahigit dalawampung kabahayan naman ang natupok ng apoy sa 3-A, Barangay Holy Redeemer na nagdulot ng malaking pinsala sa mga ari-arian at matinding kalungkutan sa 33 mga apektadong pamilya o 120 na mga indibidwal lalo na’t nangyari ito sa mismong araw ng Pasko.

Naganap ang insidente sa tapat ng fish landing area, at agad itong nirespondihan ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Department o CDRRMD ALIMAT at ng Butuan City Central Fire Station.

Patuloy pang inalam ng Butuan City Central Fire Station ang kabuuang danyos ng dalawang sunog.