-- Advertisements --

Palalawakin ng Department of Agriculture (DA) ang programang “Benteng Bigas, Meron Na” sa Metro Manila upang mas maraming mahihirap at bulnerableng sektor ang makinabang sa P20 kada kilo na bigas.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., target ng ahensya na magtayo ng hindi bababa sa limang P20 rice outlets sa bawat lokal na pamahalaan sa National Capital Region.

Layunin nitong mailapit ang abot-kayang bigas sa mga mamamayan at maibsan ang gastusin ng mga pamilya.

Sinabi naman ni DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service Director Junibert de Sagun na target ang full-scale expansion ng programa bago matapos ang Marso 2026 upang tumugma sa panahon ng anihan at matiyak ang sapat na suplay.

Prayoridad sa programa ang senior citizens, solo parents, persons with disabilities, 4Ps beneficiaries, minimum wage earners, miyembro ng TODA, magsasaka, mangingisda at iba pang kwalipikadong grupo.

Nakipagpulong na rin ang DA sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang pabilisin ang implementasyon, habang nangako ang MMDA ng suporta sa logistics at monitoring ng programa.