Tiniyak ng Office of the Ombudsman na sila’y nakahanda sa pagsagot sa petisyon inihain ni former Ako-Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa Korte Suprema.
Ayon sa ipinadalang mensahe ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, kanilang ilalagay sa kumento ang mga kontra-argumento sa naturang petisyon.
“We are ready with our counterarguments to be put in the comment. The sooner we resolve this, the better,” ani Assistant Ombudsman Mico Clavano.
Kanya itong sinabi kasunod nang atasan ng Kataas-taasang Hukuman na magbigay ang tanod-bayan ng kanilang kumento hinggil sa petisyon ng dating mambabatas.
Sa naganap kasing En Banc Session ng Supreme Court nitong Miyerkules, ika-11 ng Pebrero sa taon kasalukuyan, inatasan ang Ombudsman at pati Independent Commission for Infrastructure o ICI na magsumite ng kasagutan.
Binigyan sila na sumagot o magkumento sa loob ng sampung araw mula nang matanggap ang notisya sa petisyon inihain kamakailan ni former Congressman Zaldy Co.
Bukod sa petisyon, pinakukumento rin sila partikular sa hinihiling ni Co na mag-isyu ang Korte Suprema ng T.R.O. o Temporary Restraining Order.
Subalit paglilinaw ng Kataaas-taasang Hukuman na wala pa rin silang iniisyung ganitong kautusan.
Magugunitang inihain ni Zaldy Co ang partikular na petisyong Certiorari and Prohibition with Application for Writ of Preliminary Injunction and Temporary Restraining Order.
Nakapaloob rito ang kahilingan na ibasura o ipawalang bisa ng Korte Suprema ang resolusyon ng Ombudsman makasuhan si Co ng graft at malversation sa Sandiganbayan.
Naniniwala kasi ang naturang dating mambabatas na nagkaroon ng ‘grave abuse of discretion’ sa inilabas nitong resolusyon kahit pa hindi inirerekumenda ng Independent Commission for Infrastructure na mapabilang ito sa mga mapakasuhan.
Samantala, kaugnay pa rin sa naturang dating mambabatas, ibinahagi ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na patuloy nagpapadala ng pasaring si Zaldy Co.
Nanindigan siyang may mga ‘feelers’ itong ipinaabot sa kabila ng itanggi miski ng mismong abogado ng dating kongresista.
Ngunit aniya’y wala na raw siyang pagkukwentuhan hinggil rito sapagkat marami umanong nais o gustong makisawsaw sa naturang usapin.
Sa kabila nito’y pagtitiyak ng Office of the Ombudsman na tuloy-tuloy ang kanilang mga isinasagawang hakbang sa imbestigasyon laban sa mga tiwaling at sangkot na indibidwal sa korapsyon.














