Nagbabala si Senator Erwin Tulfo sa mga kompanya ng kuryente laban sa pagsasamantala sa inaasahang epekto ng Super El Niño, partikular ang pagpapataw ng hindi makatarungang taas-singil at pagbibigay ng serbisyong mababa ang kalidad sa gitna ng posibleng kakulangan sa suplay ng kuryente.
Ayon kay Tulfo na chairman ng Senate Committee on Energy, dapat manatiling patas at makatuwiran ang anumang pagtaas sa singil sa kuryente, lalo’t mabigat na ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
Binigyang-diin niyang hindi siya mag-aatubiling gamitin ang kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng oversight kung mapatutunayang may mga power generation company o distribution utility na nagsasamantala sa krisis pangklima upang palakihin ang kanilang kita.
Hinimok din niya ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad ng mga konkretong hakbang upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa posibleng pagtaas ng singil at rotating brownout.
Ayon sa senador, kailangang pabilisin ng dalawang ahensya ang pagpapatupad ng mga plano para mapanatiling sapat at matatag ang suplay ng kuryente. Dapat din umanong magkaroon ng mahigpit na pananggalang upang maiwasan ang artipisyal na kakulangan sa suplay na maaaring gamiting dahilan para sa pagtaas ng presyo.
Bagama’t kinilala ni Tulfo ang pag-apruba ng House of Representatives sa 2027 General Appropriations Bill na may pondo para sa pagpapalawak ng programa sa pagpapakuryente sa mga sitio, sinabi niyang hindi ito sapat kung hindi magkakatuwang na kikilos ang mga ahensya ng pamahalaan upang tugunan ang mga posibleng problema sa suplay.
Batay sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang lalakas ang El Niño at maaaring umabot sa antas na Very Strong sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026, at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Dahil dito, iginiit ni Tulfo na dapat unahin ng sektor ng enerhiya ang kapakanan ng publiko sa paghahanda sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot, kabilang ang pagtiyak sa sapat na suplay ng kuryente at pag-iwas sa hindi makatarungang pasanin sa mga konsyumer.










