Nagpahayag ng kahandaan ang ilang mambabatas na makibahagi sa maritime domain awareness na ginagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea.
Ayon kay Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro partylist sa panayam ng Bombo Radyo, kung may mga senador na nag-aalinlangan magpakita ng suporta sa tindig ng PCG sa karagatan at teritoryo ng ating bansa, sila umano sa Kamara ay nakahandang makibahagi sa programa.
Ikinalungkot din ni Ridon na may mga lumilitaw pang pahayag na tila nagpapahina sa claim natin sa lugar na dati na nating pag-aari.
Hangad ng mambabatas ang mas bukas at maayos na talakayan hinggil sa ipinaglalaban nating teritoryo.
Sa guli iginiit ni Ridon na ating ang West Philippine Sea at sana ay huwag na itong bahiran ng duda sa anumang paraan at anumang panahon.
Aniya, ang Kalayaan Island Group ay atin at bahagi ng ating teritoryo na mahalagang pangalagaan hanggang sa mga susunod na henerasyon.
















