-- Advertisements --

Kailangan pa rin umanong magpatuloy ang mga diplomatic engagement sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas at ng China, sa kabila ng tumitinding sagutan sa pagitan ng Philippine officials at ng Chinese Embassy sa Maynila ukol sa isyu ng West Philippine Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila De Lima, sinabi ng mambabatas na hindi dapat maapektuhan ang tungkulin ng DFA na isulong ang foreign policy ng kasalukuyang administrasyon sa gitna ng word war sa pagitan ng Chinese embassy at mga Philippine official.

Tungkulin aniya ng ahensiya na magsagawa ng diyalogo sa pamamagitan ng diplomatic channels kung nanaisin nito, para maayos ang anumang sigalot.

Gayunpaman, dapat din aniyang manindigan ang DFA laban sa pambabastos at pambabatikos na ginagawa ng embahada laban sa Philippine officials.

Kasabay nito ay nanawagan si De Lima sa DFA na gumawa ito ng mas malakas at mas mabibigat na hakbang laban sa China.

Inirekomenda ng mambabatas na dati ring nagsilbi bilang Secretary of Justice, ang posibilidad ng pagpapatawag sa Chinese Ambassador to the Philippines upang pagpaliwanagin sa ginagawa ng kaniyang opisina na pagbatikos sa mga opisyal ng bansa.

Ginawa na ito aniya ng Chinese government sa Philippine Ambassador to China, at maaari rin itong gawin ng DFA, sa diplomatikong paraan.