-- Advertisements --

Inilatag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang mga plano at programa nitong nais maipatupad sa susunod na taong 2026.

Sa isang panayam, ibinahagi mismo ni Undersecretary Renato ‘Aboy’ Paraiso, executive director ng naturang ahensya, na layon anila mas paigtingan pa ang mga nailunsad ngayong 2025.

Isa na aniya rito ang ‘Threat Monitoring Center’ na unang plano’y para sa ginanap na ‘National and Local Elections’ o ang midterms eleksyon noong buwan na Mayo.

Ito kasi’y ipinagpatuloy at ginawang ‘operational’ buong taon imbes na para sa naturang eleksyon lamang.

Subalit aminado ang naturang opisyal na kulang pa rin sila sa ‘man power’ na tatao sa threat monitoring center kung kaya’t plano at nais aniya nila itong mas mapalawig.

Positibo naman niyang ibinahagi na hindi lamang sa kanila ang inisyatibo kundi patuloy silang nakikipag-ugnayan maging sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno at pati pribadong sektor.

Halimbawa na lamang aniya ay ang Department of Migrant Workers na mas makapagbibigay daan ang naturang center para matutukan lalo ang talamak na illegal recruitment pa-abroad.

Habang kanya pang inilahad din ang iba’t ibang mga online harms at threats na kinakaharap at nambibiktima sa publiko.

Kabilang na rito ang pagkalat ng mga DeepFake, Articial Intelligence o Ai, IMSI Catcher o International Mobile Subscriber Identity Catcher at iba pa.

Buhat nito’y pahayag pa ng naturang opisyal na mahalagang mapangalagaan ang tiwalang ibinibigay sa ahensya.

Importante aniya na tiwala lalo na ang publiko upang mas maging bukas ito na magsumbong na syang nagbibigay daan para mas mapagbuti ang online threats monitoring.