-- Advertisements --

Nakapaghatid na ang pamahalaan ng P27 million halaga ng relief aid sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng nagdaang bagyong Basyang.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Irene Dumlao na kabilang sa mga ipinamahaging tulong sa mga evacuation center ay family food packs, kahon-kahong ready-to-eat foods at non-food items.

Personal ding tinungo ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang Iligan City na isa sa mga matinding apektado ng pananalasa ng nagdaang bagyo para tukuyin at tugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya.

Ayon kay ASec. Dumlao, humiling ang pamahalaang lungsod ng augmentation support na 2,300 family food packs para sa relief operation.

Bukod dito, nakapaghatid na rin ng tulong ang ahensiya sa Misamis Occidental, Misamis Oriental, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands.

Tiniyak din ng opisyal na mayroong 3.5 milyong family food packs na naka-imbak sa mga warehouse ng DSWD bago pa man manalasa ang bagyo.

Samantala, sa Cebu mayroong mahigit 900 pamilya ang na-displace bunsod ng nagdaang bagyo. Nakapagtala rin ng pagkawala ng suplay ng kuryente at tubig sa ilang lugar at pansamantalang sinuspendi ang lahat ng mga aktibidad sa sektor ng turismo sa South Cebu.