-- Advertisements --

Isinasailalim na sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang nasa 28 water assets kabilang ang ilang mga yate na natukoy na konektado umano sa anomaliya sa flood control projects ng gobyerno.

Ayon kay Independent Commission for Infrastructure (ICI)-Technical Working Group Chairman ASec. Renato Paraiso, posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga matutukoy na assets ng Maritime Industry Authority (Marina) habang nagpapatuloy ang paghahanap at proseso ng beripikasyon sa maritime sector.

Hindi naman na idinetalye pa ng ICI official ang mga indibidwal o entities na sangkot.

Bagamat, nauna nang kinumpirma ni ASec. Paraiso na kabilang sa kanilang mga sinisiyasat ang ilang mga yate na napaulat na konektado kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Sa kabuuan, iniulat ng ICI na nasa kabuuang P4.8 billion na halaga ng assets kaugnay sa maanomaliyang mga proyekto ang na-freeze na ng pamahalaan.