Binigyang linaw ng Department of Justice na wala itong itinakdang huling araw o ‘deadline’ para sa mga nais magsaoli ng nakaw na yaman mula sa maanomalyang flood control projects.
Ito mismo ang inihayag ng kagawaran sa pamamagitan ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez kung saan kanyang sinabi na walang ganitong panuntunan sa naturang kaso.
Aniya’y hindi magtatakda ng petsa o panahon sa pagsasaoli ng pera sa kagawaran ng katarungan ang mga nasasangkot na indibidwal sa kontrobersiyal na proyektong flood control.
Giit kasi ng tagapagsalita na ang gawaing ito ay boluntaryo o kusang loob na ipinakita at ginagawa ng mga nais makipagtulungan sa pamahalaan sa pagresolba ng kaso.
Mariin naman niyang paglilinaw na ang ‘restitution’ o pagbabalik ng perang nakuha sa anomalya ay hindi awtomatikong katumbas na maipapasok ng agaran sa Witness Protection Program.
Kung kaya’t hindi raw maaring magtakda ng ‘deadline’ ang kagawaran hinggil sa plano o boluntaryong pagsasaoli man ng pera ng mga ito.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 316 million pesos ang kabuuang halaga ng mga isinaoling pera mula sa maanomalyang mga proyekto.
Ayon kay Justice Spokesperson Martinez, 181 million pesos rito ay mula kay former Department of Public Works and Highways Engineer Henry Alcantara, 80 million pesos galing kay Gerard Opulencia, 20 million pesos sa kontratistang si Sally Santos at 35 millions pesos naman kay former public works Usec. Roberto Bernardo.
Habang wala pang panibagong impormasyon ang Department of Justice hinggil sa kung may nadagdag pang nagsaoli ng pera.
Magugunitang inihayag ng kagawaran na inaasahan na posibleng umabot sa lagpas isang bilyon at kalahating piso ang halagang pera na isasaoli ng mga testigo ng estado o state witness sa kaso ng flood control.
















