Aabot sa pitong lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Negros Occidental ang nakatanggap ng P40-M na halaga ng tulong mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay mula sa kabuuang P50 milyong pondong inilaan ng Pangulo upang matulungan ang mga residente at komunidad na labis na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Pangunahing layunin ng pondong ito na suportahan at palakasin ang mga pagsisikap sa pagbibigay ng agarang tulong, o relief operations, at ang mga programa para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Sa pitong lokal na pamahalaan na nabanggit, tatlo ang nakatanggap ng tig-P10 milyon bawat isa.
Ito ay ang La Castellana, Moises Padilla, at La Carlota City. Samantala, ang Bago City, Binalbagan, at Hinigaran ay nakatanggap naman ng tig-P5 milyon bawat isa.
Ang Isabela at Pontevedra naman ay binigyan ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P2.5 milyon bawat isa.
Sa kasalukuyan, ang La Carlota City pa lamang ang hindi pa natatanggap ang kanilang tseke.
Ito ay dahil sa may mga dokumentong kailangan pang kumpletuhin at isumite sa kinauukulan bago maibigay ang nasabing tulong pinansyal.
Sa sandaling makumpleto na ang lahat ng kinakailangang dokumento, inaasahang matatanggap na rin ng La Carlota City ang kanilang bahagi ng tulong mula sa Pangulo.
















