Naninindigan si Deputy Minority Leader Leila de Lima na nararapat lamang na ipagpatuloy ang pagtalakay at pagpasa sa panukalang batas na tinatawag na Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) Bill.
Ginawa ng mambabatas ang kanyang pahayag kasunod ng mga panawagan na ipaubaya na lamang umano sa tanggapan ng Ombudsman ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga anomalya at mga iregularidad na nakikita sa iba’t ibang proyekto na may kaugnayan sa flood control sa bansa.
Ayon kay Rep. De Lima, bagamat may kapangyarihan ang Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon, hindi aniya sapat na umasa lamang dito dahil sa napakalawak ng saklaw ng mandato nito.
Dahil dito, mas makabubuti at mas magiging epektibo kung magkakaroon ng isang hiwalay at nakatuong komisyon na partikular na mag-iimbestiga at tututok lamang sa mga kaso ng katiwalian na may kaugnayan sa mga proyekto ng flood control at iba pang malalaking proyekto ng imprastraktura sa buong Pilipinas.
Binigyang-diin ni De Lima na ang bersyon ng Senado ng ICAIC bill ay naglalayong magbigay ng mas malinaw at mas pinalakas na kapangyarihan sa isang independent commission.
Kabilang sa mga kapangyarihang ito ang direktang pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang laban sa mga indibidwal o grupo na masasangkot sa mga aktibidad ng katiwalian.
Dagdag pa ni De Lima, ang paglikha ng ICAIC ay hindi nangangahulugan na pinapahina nito ang mandato ng Ombudsman.
Sa halip, ito ay nagsisilbing isang katuwang at karagdagang pwersa upang pabilisin at paghusayin pa ang proseso ng imbestigasyon sa mga sensitibong isyu ng infrastructure corruption.










