Pinagtibay ng Sandiganbayan ang graft conviction laban kina dating Technology Resource Center (TRC) deputy director general Dennis Cunanan, National Livelihood Development Corporation (NLDC) President Gondelina Amata at division chief Gregoria Buenaventura.
Ito ay may kaugnay sa maling paggamit ng P107 million priority development assistance fund (PDAF) ni dating Congresswoman Rizalina Seachon Lanete.
Pinagtibay din ng anti-graft court ang mga parusang ipinataw sa mga na-convict na indibidwal noong Oktubre 24, 2025, na nasentensiyahan ng pagkakakulong mula anim hanggang walong taon para sa bawat bilang ng graft at habambuhay na diskwalipikasyon mula sa paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Inisyu ang 17 pahinang resolution noong Enero 7, 2026 na nagbasura sa motions for reconsideration nina Cunanan, Amata at Buenaventura.
Ipinunto ng Sandiganbayan na ang resibo ng rebates o kickbacks nina Cunanan, Amata at Buenaventura ay nagpapakita ng motibo sa likod ng lahat ng kanilang ginawa o hindi ginawa at ang mga serye ng tinatawag na “official efforts” ay nagsisiwalat ng intensiyon para makipagsabwatan sa pandaraya sa gobyerno para sa benepisyo ng akusado at ng kanilang mga pribadong kasabwat.















