Inurong ng Sandiganbayan Special Third Division ang sana’y nakatakdang promulgation ng hatol para sa 15 kasong graft laban kay dating Senate President Juan Ponce Enrile, kanyang dating chief-of-staff na si Jessica “Gigi” Reyes, negosyanteng si Janet Lim-Napoles, at iba pa kaugnay ng maling paggamit ng P172 million PDAF o pork barrel funds.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Sandiganbayan Third Division, itinakda ang bagong petsa ng promulgation sa Oktubre 24, 2025.
Aniya, may “reflection” na inihain ang isa sa mga mahistrado ng Special Division, kaya kinakailangang ipagpaliban muna ang pagbasa ng desisyon upang bigyang-daan ang masusing deliberasyon.
Dumalo online sa promulgation sina Enrile, 101 taong gulang, at Napoles, habang personal na dumalo si Reyes at iba pang akusado.
Matatandaang inihayag ni Reyes noong Nobyembre 2023 na hindi siya kinonsulta sa nilagdaang sulat ni Enrile sa Commission on Audit (COA) noong 2012, kung saan kinumpirma nito ang mga pirma ng kanyang mga staff na ginamit sa mga endorsement letters ng mga NGO na pinatatakbo noon ni Napoles.
Samantala, iniharap ng prosekusyon ang mga ebidensya tulad ng liham ni Enrile noong 2008 kay dating Budget Secretary Rolando Andaya Jr., kung saan hinihiling niya ang paglalabas ng kanyang PDAF para sa mga proyektong ipinatupad ng mga NGO na konektado kay Napoles.
Nagpatotoo rin ang mga opisyal ng DBM at COA, gayundin ang ilang municipal agriculturists mula sa mga lalawigang dapat sana’y nakatanggap ng mga agricultural packages at livelihood projects. Ayon sa kanila, hindi nila natanggap ang mga benepisyong nakasaad sa mga dokumentong kaugnay sa PDAF ni Enrile.