-- Advertisements --

Inabsuwelto ng Sandiganbayan si Marilou Ferrer, diumano’y opisyal ng isang foundation na sangkot umano sa pork barrel scam, sa mga kasong graft at malversation dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Sa 28-pahinang desisyon ng 4th Division ng anti-graft court, pinawalang-sala si Ferrer, project coordinator ng Kapuso at Kapamilya Foundation Inc. (KapKFI), sa isang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at dalawang bilang ng malversation.

Ayon sa mga tagausig, si Ferrer ay nakipagsabwatan umano sa mga opisyal ng National Agribusiness Corporation (Nabcor) para ilihis ang P6.8 million mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng yumaong kongresista na si Ignacio “Iggy” Arroyo ng Negros Occidental.

Kasama rin sa mga kinasuhan sina dating Nabcor president Alan Javellana, administrative services manager Romulo Relevo, at director Rhodora Mendoza.

Ngunit ayon sa korte, nabigong patunayan ng prosekusyon ang direktang partisipasyon ni Ferrer sa umano’y anomalya. Sa kanyang testimonya, sinabi ni Ferrer na siya’y nagtapos lamang ng high school at hindi lubos na naunawaan ang mga dokumentong pinapapirmahan sa kanya.

Ipinakita rin niya ang ID mula sa SSS at PhilHealth bilang patunay na siya ay empleyado ng Kaunlaran Trading, at hindi ng KapKFI, sa panahong iyon.

Ayon sa korte, walang sapat na ebidensyang magpapatunay na siya ay nakipagsabwatan, nakinabang, o lumahok sa plano.