Hinatulang guilty ng Sandiganbayan ang dating mambabatas at kasalukuyang Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa kasong graft kaugnay sa umano’y maling paggamit ng P1.95 million priority development assistance fund (PDAF) o ang kontrobersiyal na pork barrel scam.
Kaugnay nito, sinentensiyahan ng anti-graft court si Biazon ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong.
Subalit, inabswelto ng korte si Biazon sa kasong malversation sa parehong pork barrel case.
Sa panig naman ng alkalde, plano nitong iapela ang ruling o desisyon ng korte. Iginiit din ni Biazon na hindi dapat madiskaril ng ingay o magambala ang pagsisilbi sa publiko kayat hindi aniya natitinag ang kaniyang commitment para sa Muntinlupeños.
Iginiit din ng kampo ng opisyal na hindi maapektuhan ang kasalukuyang posisyon ni Biazon bilang alkalde sa naging hatol ng Sandiganbayan.