Inabsuwelto ng Sandiganbayan si Marilou Ferrer sa mga kasong graft at malversation kaugnay sa pork barrel scam, dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Si Ferrer, na sinasabing project coordinator ng kilalang network Foundation, ay kinasuhan dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa mga opisyal ng National Agribusiness Corporation upang ilihis ang P6.8 million mula sa Priority Development Assistance Fund ng yumaong kongresista na si Iggy Arroyo.
Kasama sa mga kinasuhan ang ilang dating opisyal ng National Agribusiness Corporation. Ngunit ayon sa 4th Division ng korte, bigong patunayan ng prosekusyon ang direktang partisipasyon ni Ferrer sa anomalya.
Sa kanyang testimonya, iginiit ni Ferrer na siya ay empleyado ng Kaunlaran Trading at hindi ng naturang foundation. Dagdag pa niya, hindi rin niya naintindihan ang mga dokumentong pinapirmahan sa kanya dahil siya ay nagtapos lamang ng high school. Kaya sa desisyon ng korte, walang sapat na ebidensya na siya ay nakinabang o sadyang nakilahok sa nasabing anomalya.