-- Advertisements --

Nasa 16 katao ang sugatan matapos sumalpok ang isang pribadong sasakyan sa pampasaherong jeep nitong Lunes ng umaga, Marso 9, sa national highway ng Sitio Sambag, Barangay Tuyan sa Naga City, Cebu.

Batay sa paunang imbestigasyon ng City of Naga Police Station, naganap ang aksidente bandang 9:00 ng umaga nang huminto ang isang jeepney na patungong Barangay Basak, Cebu City upang magsakay ng pasahero.

Ilang sandali matapos ito, isang sedan na patungong timog ang biglang kumabig sa kabilang linya at bumangga sa harapang bahagi ng jeep, dahilan upang bumaligtad ang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact, sugatan ang mga driver at pasahero ng dalawang sasakyan, pati na ang ilang sibilyan na nakatayo sa gilid ng kalsada nang mangyari ang aksidente.

Kinilala ang mga nasugatan na sakay ng jeep na si Rogelio Jr. Omambac, 49 anyos, ang driver, at ang mga pasahero na sina Jomar Cabalquinto, 48 anyos; Danilo Bacus, 61 anyos; Reynaldo Abaquita, 3 anyos; Zaldy Secretaria, 67 anyos; Mary Lariosa Antonino; at isang 16-anyos na dalagita.

Sugatan din ang driver ng sedan na si Willjun Deresas Calago, 49 anyos, kasama ang kanyang mga kaanak na sina Josephine Calago, 65 anyos; William Calago, 66 anyos; at isang limang taong gulang na batang lalaki.

Samantala, nadamay din sa insidente ang ilang sibilyan na kinilalang sina Eddie Niño Alabi, 23 anyos, pati si Phoebe Manliguez, 30 anyos, at ang kanyang tatlong anak na lalaki na may edad na 11 taong gulang, 6, at 2.

Agad namang isinugod sa kalapit na ospital ang lahat ng biktima upang mabigyan ng agarang lunas habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng aksidente.

Batay pa sa salaysay ng driver ng sedan na si Calago, bigla umanong nawalan ng kontrol ang manibela ng sasakyan kaya napakabig ito sa kabilang lane at nabangga ang jeepney.

Inaresto ito ng mga awtoridad na umamin din sa kanyang pagkakamali na naging sanhi ng insidente.

Inihahanda na rin ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property laban sa suspek.