-- Advertisements --

Muling pinaalalahanan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko hinggil sa kahalagahan ng pagiging mapanuri at kritikal sa lahat ng impormasyong nakikita at nababasa online.

Ayon sa CICC, ilan sa mga karaniwang uri ng online content na dapat pag-ingatan ay ang disinformation o ang pagpapakalat ng maling impormasyon, mga pekeng balita na naglalayong lituhin ang publiko, mga hate campaigns na nagpapasiklab ng galit at diskriminasyon, at maging ang mga panawagan sa karahasan na maaaring mag-udyok ng kaguluhan.

Dahil dito, mariing hinihimok ng CICC ang publiko na maging mas mapagmatiyag at alerto sa kanilang mga social media accounts at iba pang online platforms.

Pinapayuhan ruin ang lahat na agad i-report sa CICC sa pamamagitan ng kanilang hotline 1326 ang ano mang kahina-hinalang post, mensahe, o aktibidad na nakita online.

Idinagdag pa ng CICC na ang mabilis na aksyon at kooperasyon ng bawat indibidwal ay mahalaga upang maiwasan ang posibleng paglala ng tensyon, mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga protesta, at protektahan ang publiko mula sa mga negatibong epekto ng online disinformation at hate speech.


Sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas mabisang masusugpo ang pagkalat ng mga mapanirang online content at mapapanatili ang isang ligtas at responsableng online environment para sa lahat.