-- Advertisements --

Pormal na isinantabi ni Senator Paolo Bam Aquino IV ang mga ispekulasyon na tatakbo siya sa mas mataas na posisyon para sa 2028 national elections, at iginiit na mas prayoridad niya ang kanyang tungkulin bilang mambabatas.

Ayon kay Aquino, hindi pa napapanahon ang pamumulitika lalo’t hindi pa siya umaabot ng isang taon sa pwesto matapos ang kanyang matagumpay na pagbabalik sa Senado noong May 2025 elections.

Sa halip na paghandaan ang 2028, mas pinipili umano niyang tutukan ang pagbalangkas ng mga batas na tutugon sa sistema ng edukasyon, at ang pagsusulong ng tapat na gobyerno laban sa korapsyon.

Bago ito, itinanggi na rin ng senador ang mga bali-balitang magiging running mate siya ni Vice President Sara Duterte, na kamakailan ay nag-anunsyo ng kanyang presidential bid.

Giit ni Aquino, ang anumang political alliances ay dapat nakasentro sa pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan.