-- Advertisements --

Naghain ng mosyon si dating Senador Bong Revilla Jr. sa pagdinig ng reklamong ‘plunder’ na kinakaharap sa Department of Justice.

Sa isinagawang preliminary investigation ngayong araw, partikular na kanyang inihain ang ‘motion for opposition’ sa prosekusyon.

Ayon kay Atty. Francesca Señga, ito’y bilang pagtutol o hindi pagsang-ayon sa ipinasok na mosyon ng National Bureau of Investigation, complainant sa reklamo.

Nitong nakaraan lamang kasi ay nagdagdag ang kawanihan ng panibagong mga pangalan o respondents sa plunder case na isinampa sa kagawaran.

Kinabibilangan ito ng mga dating opisyal mula Department of Public Works and Highways.

Ito’y sina former Public Works National Capital Region Engineers Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan, Ruel Umali and Arturo Gonzales Jr.

Kung kaya’t bunsod nito’y kunuwestyon ng kampo ni Revilla nang madagdagan ng apat ang kapwa respondents sa reklamo.

Aminado ang naturang abogado na kanilang ipinagtataka ang ganitong hakbang ng kabilang panig dahil aniya’y pawang hindi malinaw ang rason sa pagkakadagdag ng panibagong mga respondents.

Paliwanag naman ng Department of Justice na posibleng batay sa iba pang mga ebidensya o affidavits ang dahilan ng National Bureau of Investigation nang magpasok ito ng mga bagong pangalan sa reklamo.

Ngunit binigyang diin ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na kailangan mapatunayan na ito’y mga bagong natuklasan o nadiskubre ng kawanihan.

Ang mga bagong respondents, sa naganap na preliminary investigation ay hindi naghain ng kanilang ‘counter-affidavits’ bagkus humiling mabigyan ng palugit sa prosekusyon.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa ika-13 ng Marso, sa taon kasalukuyan para sa kanilang isusumiteng mga kontra-salaysay.