-- Advertisements --

Inihain ngayong araw nina former Sen. Antonio Trillanes IV at ilang miyembro ng civil society organization na The Silent Majority sa Office of the Ombudsman ang panibagong reklamong ‘plunder at graft’ laban kay Vice President Sara Duterte.

Alas-dyis ng umaga nang ihain ng dating senador kasama ang naturang grupo sa tanod-bayan ang naturang mga reklamo laban sa bise presidente.

Ayon kay Jocelyn Marie Acosta, ang ‘plunder at graft cases’ na inihain ngayong araw ay may kaugnayan sa inisyal na isinampa noong Disyembre ng nakaraang taon hinggil sa isyu ng confidential funds.

Naniniwala aniya sila na marami umanong nilabag sa batas si Vice President Sara Duterte kung kaya’t layon nilang hindi na palagpasin pa at mapanagot sa ginawa nito.

Kaugnay nito’y inilahad ng naturang ‘complainant’ ang mga alegasyon sa mga reklamong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Plunder at Malversation complaints para sa sinasabing maanomalyang 650 million pesos na Confidential Funds sa Office of the Vice President at Department of Education.

Reklamong Plunder and Malversation naman para sa tinatayang 2.7 billion pesos anomalya ng Confidential Funds sa lungsod ng Davao noong alkalde pa si Vice President Sara Duterte.

Bukod pa rito, kanila ring inihain ang iba pang patung-patong na mga reklamo laban sa naturang opisyal may kinalaman sa hindi tama o maling paggamit ng pondo ng bayan.